Tatlo lang ang nasamahan kong rali.
Una, noong Feb 23 at ikasampung Birthday ko. Bandang hapon, nang magyaya sa amin ang kapitbahay naming may dyip papunta sa “Highway 54.” Nagpilit akong sumama, dahil gusto kong makakita ng tangke nang personal. At dahil birthday ko nga, pumayag ang nanay ko at sinabihan na lang kami na huwag masyadong lumapit sa mga sundalo.
Medyo malayo ang pagkakita ko sa mga tangke pero medyo natakot ako (imbes na humanga) nang maimadyin kung gaano karaming tao ang matatamaan sa isang putok lang ng kanyon dahil sandamukal at “sari-sari” talaga ang mga tao. Kumpul-kumpol maski ang mga nangibabaw na madre. Pero tanda ko na kung gusto mo talagang makapunta sa gitna, madali kang makakapunta dahil kahit marami, nagpapadaan ang mga tao.
Nakasingit pa kami katunayan sa isang stage na nagpapaagaw ng nakaplastik na sandwich at Magnolia. Madami, at tuluy-tuloy lang ang itsa ng Chocolait. Nakaagaw ang isang mama sa tabi namin at iniabot sa Papa ko ang supot para sa akin.
Pangalawa naman ang sa SONA ni Ramos nang katatapos lang ng Muroroa (“No Nukes!”) issue noong second year pa lang ako. Naririnig pa kasi noon na hindi raw makukumpleto ang buhay-Peyups nang hindi nakakasama sa isang rali. (Bakit nga kaya hindi ko na naririnig ‘to ngayon?). Sabi ko sa kasama ko, “mag-advance na tayo.” Sabi niya, sige at kami na raw ang mag-buddy. Tumabi kaming dalawa sa isang poste, nagobserba, at nakinig sa mga nagsasalita at kumakanta.
Ah, apat pala kung kasama ang maikling martsa mula Eng’g papuntang Masscomm (para magyaya) at Admin laban sa CPDP.
Panghuli itong nakaraang Anti-Cha-cha sa Makati.
Ngayong halos gradweyt na ako, iniisip ko kung bakit kakaunti at bilang-na-bilang ko pa mandin ang mga nasamahan kong rali. Siguro, sabi ko sa sarili ko, dahil: 1) hindi ko alam ang mga buong detalye ng isyu kaya hindi buo ang loob ko sa pagsama, 2) kulang sa oras dahil iba ang priority ko, 3) humahanap ako kaagad ng resulta maski estimate lang, ‘ika nga ng teknikal na kurso ko, bago ang endeavor; yung mas feasible, dahil gugulan ito ng input na time at kaunting money, at/o 4) wala akong kasama.
Nasa akin siyempre ang I-Was-There pride sa pagkakasama sa “People’s Power”maski ilang oras lang iyon, nakapasan ako nang matagal, at ni hindi ko kilala ng husto kung sino si Ninoy noon. At sa pagpigil marahil ng unconscious na pagkukumpara ko ng bawat rali sa EDSA, ngayon ko lang nakikita na baluktot ang mga dahilan ko.
Hindi diretsong masisisi ang mga 1) o 2) ang problema. Pero sa mga bulgar sa mga talagang nakaaasar na isyu, makasarili na ang mga hindi natitinag. Sa isang mababaw na halimbawa sa CPDP: sinabi noon ni Javier na “bubunutin” daw ang mga building kapag hindi nasunod ang mga mga kasunduan. Pumasok na tanong sa kukote ko: “Ano y’un, buhok sa kili-kili? Yung Citimall nga, hindi pala dapat puros kainan ang nandiyan, may bunutan bang nangyayari?”
Sa Cha-Cha naman, isang mababaw ulit: “pang-masa” raw ang mga prayoriti ni Erap pero ano ito at “urgent” daw ang Cha-Cha para maibenta na sa mga dayuhang negosyante ang Pilipinas. Ano ‘to lokohan?
Hindi pa ba ito maiintindihan? Wala ang mga “manipestong sagot” na ipinambubuska dito ng mga sosi sa mga tibak. Ako mismo’y hindi aktibista. (Hindi ako karapat-dapat sa karangalang ito dahil mas pinili ko ang pamperang kurso at ang grumadweyt ng maaga). Pero hindi naman kailangang maging tibak para sumama sa rali.
Ang isang rali—para sa 3)—ay isang ekspresyon lang, parang kinakausap ang mga dapat makinig. Kapag naliwanagan ang marami tungkol sa isyu, tagumpay ang rali. Walang kailangang mapatalsik (o matepok, para sa akin minsan), pero ultimong parang dyakpat ito.
Para sa 4) naman, totoong maraming mukha ang pamilyar sa bawat rali. Pero sa Makati, halimbawa, mas marami ang bago sa paningin ko. May mga naka-cell pa nga at magagarang jacket nang umuulan na. At totoong mga di-hamak na boyfriend at girlfriend material ang makikilala mo sa rali kung naghahanap ka.
Nakakadismaya lang ang mga nagsasalita sa TV nang walang kakurap-kurap na “matutulog na lang” sila sa bahay—ang mga hindi nakakaintindi ng mga simpleng paliwanag.
At ang mga umaarkila ng bus gamit ang pondo ng estudyante para iligaw ang mga sasakay.
Libro, Books, Pelikula, Movies, Kagaguhan at Katatawanan, Stupidities and Jokes?, Katutuhan, Learnings?, Kaintere-interes, Notes to Self
Sunday, August 2, 2009
Rallying Point
Isang kolum na naisulat ko siyam na taon na ang nakakaraan. Wala lang, naalala ko lang sa pagkamatay ni Tita Cory.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment