Wednesday, April 7, 2010

Transleysyons

Pasintabi, gusto ko lamang i-copy-paste ito rito for posterity...


Ako ay nagkukubli dahil kakausapin na naman ako ng mga dayuhan at bagama’t sila’y marunong naman at madalas purihin ang aking bansa’y hindi ko nais marinig kung ano sa palagay nila ang dapat gawin ng mga Pilipino. Akala nila’y nauunawaan nila ang Pilipinas dahil ilang taon na silang namamalagi rito, nguni’t dahil nga sila’y bisita ang nakikita lamang nila ay ang kagandahan na para sa mga turista. Hindi ako nagpunta rito para ipaliwanag ang kasaysayan ng Pilipinas. Sa lahat ng ayaw ko ay yaong mga dayuhan na nais tayong sagipin mula sa ating mga sarili. Kung may sasagip sa atin ay walang iba kundi tayong mga Pilipino. At tuwing makakita sila ng magandang bagay o tanawin, o makatikim ng masarap na pagkain, tatlong oras nila itong pag-uusapan sa kanilang malalakas na boses. Ano ba sa Tagalog ang “patronize”? Lingid sa kanilang kaalama’y ito ang ginagawa nila.Â
 
O baka nagkataon lamang na madaldal sila at masyadong mahilig sa tunog ng kanilang sariling tinig. Kakagatin ko na lamang ang aking dila at hindi ko sila tatanungin kung bakit tuwing ako’y nakakausap ng kanilang kababayan ako’y inaantok, o kung mayroon silang “cellar”. Magsitigil kayo, ako’y nagbabakasyon!


Napakahirap magsulat nang pormal sa Filipino. Mahirap masterin ang “ng at nang,” humanap nang synonym, iwasan magsabi nang sangkatutak na “na, lamang,” (para sa already, only, at just), manatili sa iisang tono, at bumaybay nang pandiwa para ipakita ang pangmaramihan at pang-isahan (plural at singular). Nakakawindang magpapalit-palit din sa passive at active voice; sangkatutak na ‘ay’ ang kailangang ilagay kapag active ang pinili. Nakakaburyon din ang pagsisigurado na makakabitan nang ‘mga’ ang lahat nang pangngalan at panghalip na dapat ipakita na pangmaramihan. Sa unang bungad hanggang sa huling tuldok, kailangan ring manatili lang sa iisang pormal na boses at pagpili nang mas pormal na salita (ngunit o subalit, imbis na ‘pero’)

Ang pinoy ay hindi isang efficient na language kung tutuusin (napakarami nang syllable at babaybayin na letra–’pupunta’ imbis na ‘go,’– kumpara sa kung ang diwa ay ipaparating na lamang sa ingles.

Pero pag naisulat nang mahusay, ang daloy ng sanaysay sa pinoy ay di tatalunin ng kahit anong salin sa ingles. Parang tula na tumitipa ang bawat salita, pangungusap, at hinehele ang nagbabasa.

Isang mabilis na pag-edit (suhestyon lamang):

Ako ay nagkukubli, umiiwas kausapin na naman ng mga dayuhan dito. Bagama’t sila’y maalam (alternative: may mga ibubuga / may sinasabi) rin naman at madalas purihin ang bansa, hindi ko nais marinig kung ano sa palagay nila ang dapat gawin nating mga Pilipino. Akala ng mga taong ito ay nauunawaan na nila ang Pilipinas dahil lamang sa ilang taon nilang pamamalagi rito. Nguni’t sa totoo, sila’y mga bisita pa rin na ang nakikita ay kagandahan na para sa mga turista lamang. Ako’y hindi nagpunta rito para ipaliwanag ang kasaysayan ng Pilipinas sa kanila.

Isa pa, tuwing makakakita sila nang magandang bagay o tanawin, o makakatikim ng masarap na pagkain, tatlong oras nila itong pag-uusapan nang malalakas ang boses. Ano ba sa Tagalog ang “patronize’? (ano nga ba? nakakakababang pananangkilik, mapangmataas na pamumiri?? hehehe) Lingid sa kanilang kaalama’y, ito ang kanilang ginagawa. Sa lahat nang ayaw ko, ay yaong mga dayuhan na nais tayong sagipin mula sa ating mga sarili. Kung may sasagip sa atin, walang iba yaon kundi tayong mga Pilipino rin.

O marahil nagkataon lamang na sila’y likas na madadaldal, at masyadong mahihilig sa tunog ng kanilang sariling mga tinig. Kakagatin ko na lamang ang aking dila, at iiwasan silang tanungin nang kung bakit tuwing ako’y makakausap ng kanilang mga kababayan, ako’y inaantok. O kung mayroon ba silang “cellar’.
Magsitigil kayo, ako’y nagbabakasyon!
Magaling akong mag-Filipino. Ang hindi ko maatim ay ‘Taglish’.

No comments: