Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi gawing masarap nang lahat nang nagtitinda nang halo-halo ang kanilang kanya-kanyang halo-halo na inaalok sa publiko. Hindi na sikreto ang mga nagpapasarap sa masarap na halo-halo. Kayhirap naman talaga itago ang rekado nang halo-halo, at sigurado kong lantad na ang mga nagpapasarap ditto. Ito ang mga panuntunan na ito ang magpapa-heaven nang isang halo-halo, ayon sa aking masusing paninikim:
1) Hindi dapat lagyan nang asukal ang halo-halo. Ang tamis ay kailangang manggaling sa sariling malapot na sabaw nang mga sangkap. Ang pinakamasarap na minatamis na katas ay yaong sa saging, o yaong sa pinakamalapot na krema nang macapuno--para pa ngang nagiging lapot nang masarap na semi-icecream o parfait ang dating pag mahusay ang pagkakaluto nang macapuno. Pwede ring sa makremang leche flan (na madaling madurog), o sa ube, o kaya sa ice cream, ang magdulot nang tamis sa halo-halo. Ang prublema lang ay pag ang customer ay pinipilit na kainin ang leche flan, ube, o ice cream (na karaniwang nakatumpok ibabaw) nang hiwalay, at hindi haluin sila sa halo-halo. Pero anupaman, muli, hindi dapat sa asukal manggaling ang tamis nang halo-halo. At pinakanakakabwisit ay ang tinderang sobrang galit maglagay nang asukal. Parang nasa isip nang tindera na babawiin siguro nang kakulangan nang sarap nang kanyang halo-halo ang paglagay nang sangkatutak na asukal. Mali iyon. Mali!
2) Ang pinakasusunod na nakakabwisit sa halo-halo ay kapag ang yelo ay sinlalaki nang graba! Ay ideyal ay pinong-pinong parang buhangin dapat ang pagkakakayas nang yelo. At dapat kayasin lamang ito kapag ihahain na ang halo-halo, para hindi pagdikit-dikit ang magbloke-bloke muli ang yelo na nakaayas na dapat, pero natengga.
3) Ang gatas ay hindi dapat tipirin. Ang gatas at tamis nang katas (tignan ang numero 1) ang bubuhay sa sabaw nang halo-halo.
4) Hindi mo mapapasaya ang lahat nang customer sa kombinasyon nang sangkap. Ibig sabihin, walang isang tamang kombinasyon. Merong likas na di kumakain nang pinipig, may maarte namang di kumakain nang kaong. Pero walang may gusto na halos naglalakihang sago at gulaman lamang ang sangkap nang halo-halo. May mga halo-halong masyadong tinipid na di mo na mahanting sa loob ang kakarampot na beans at nata. Katarantaduhan! Kasi pag ganito, dapat bumili na lamang nang gulaman at sago na may gatas ang customer!
5) Bagamat di lahat nang tao ay kumakain nang beans, pulang munggo, at nata, dapat meron nito ang halo-halo. Unang-una, nakakapagpaganda sya sa hitsura nang transparent na baso nang halo-halo. Sila ang nagsasabi sa isang tingin pa lang na, "oy, halo-halo kami!" Ang mga kakilala kong hindi kumakain nang beans ay tanggap na sila ang may diprensya, at nag-eenjoy sila sa pag-iwas sa beans. Nag-eenjoy din ako sa pagkuha nang beans at munggo mula sa kanila.
6) Ngayon, ayon sa nakasaad sa numero 5), matatawag bang halo-halo ang halo-halo sa Razon's? Masarap nga yaon, dahil ginamit ang macapuno na pampatamis ayon sa number 1), pero hindi matatawag na isang full-fledged na halo-halo ang sa Razon. At sa tingin ko, tanggap din nang mga taga-Razon na di solido ang kanilang mga halo-halo. Talagang sinadya nila ang ganito para magkaroon nang ika nga "niche" sa larangan nang pag-ha-halo-halo. Beri gud na rin para sa industriya.
7) Hindi dapat ituring na awtomatikong comfort food ang halo-halo. Maaari siyang pagmulan nang sustansya at kuhanan nang carbo load kung mamarapatin. At sinabi na nga sa number 1), hindi kailangang patayin sa tamis ang halo-halo.
8) Maraming may ayaw nang pinipig, at pasosyal na conflakes ang ginagamit na pamalit. Kailangang irespeto ang kanya-kanyang gusto, pero hanggang maaari irespeto rin sana ang halo-halo bilang isang pagkaing pinoy. Isa ang pinipig sa nakakapagpapilipino nang halo-halo. Sa Mountain Province, nakatikim din ako nang minatamis na macaroni na sangkap sa halo-halo. Ang macaroni ay pagkaing-italyano, pero mayroong isang pinoy na nakaisip na matamisin sya, gawing kakaiba, parang wirdo, pero masarap, tinirang innovation, nakakatuwa, inampon, at isinapilipino. Sa tour nga nang sikat na si Carlos Celdran sa Intramuros na aming napuntahan, inksplika nya na ang halo-halo ay sumasalamin sa atin bilang mix-mix na kultura. At bilang simbolismo, naghahain sya nang halo-halo sa pagtatapos nang kanyang tour, biruin mo.
9) Nuong aking kamusmusan, mas inuuna kong ubusin ang sabaw bago kainin ang mga sangkap. Iniiwasan ko pa ngang masama ang pinipig sa aking pag-inom. Kailangang makita kong sama-sama ang sangkap bago ko sila kutsarahin. At sabi ko sa mga kalaro at kamag-anak, bakit ba hindi nyo ko gayahin? Bakit ganyan kayo (na pilit hinuhuli at inuubos ang sangkap bago inumin ang sabaw). Subalit ngayon, wala nang pagtatalo. Mukhang kailangan talagang tirahin muna ang sangkap, bago inumin. Sumasalamin ito sa pagkain muna nang kanin bago uminom nang tubig pampawi nang uhaw (isa pang rason kaya di dapat talaga sobrang tamis nang halo-halo!). Kailangan ding unahin ang sangkap para bigyan nang panahon na matunaw ang yelo nang husto, at inumin nang isang tiradang malamiiig. Kasarap.
10) Nakakapagparelax ang isang masarap na halo-halo. Kapang masarap na tunay ang isang halo-halo, no match maski ilan mang pasosyal at pagkamahal na tasa nang istarbaks.