Split screen, real time, dalawang tauhan, isang lalake at isang babae, tanghaling tapat, tumutugtog ang background music.
Si babae ay naglalakad sa bukirin, si lalake sa isang kalye, papuntang EDSA. Naririnig ang papalapit na kalyeng matrapik. Businahan ang mga oto't bus.
Parehong malayo ang tingin nang dalawa, nag-iisip nang malalim habang naglalakad. Si lalake ay di mawaksi sa isip ang kanyang hipokritong boss na walang alam gawin kundi magpagawa nang report. Puros na lang report na walang resulta. Tuwang-tuwa ang boss at kumikislap ang mga mata pag nakakakita nang mga palamuting bar graph, spiderplots, at piechart. Gustung gusto nya rin ang mga retorik na katulad nang “have a sustainable capacity-building solutions to increase our pool and capability.”
Pareho silang magsasalita nang: “Langya.”
Si babae naman ay iniisip ang ipinipilit nang nanay nyang pagtatrabahuhan na pabrika. Kung siya ang masusunod, ayaw na nyang umalis sa bukid. Subalit ang lupa nila ay unti-unti nang napupuno nang mga kubo nang kanilang pinsan, kapatid, tiyahin, ditse, ingkong, tiyuhin nang tiyahin ng pinsa, na walang libangan kundi magkastahan. Nagkalat na ang kanilang mga anak-anak at unti-unti nang kumokonti ang mga taniman. Sabay na iiling ang dalawang tauhan, at magsasabi: “Tsk!”
Tutuluy-tuloy lang ang kanilang paglalakad at pagtingin sa malayo. Tapos, bigla na lamang, si babae sa bukirin, ay makakatapak nang mainit-init na tae ng aso! At si lalake naman, sa sementadong kalye papuntang EDSA, ay makakajackpot nang isang tumpok na ebak ng kalabaw.
Matatapos ang background music, parehong magtataas nang talampakan ang mga tauhan at magsasalita: “Putsa!”
Magsisimula ang kanilang itinadhanang pag-iibigan, na sinimbulo nang dalawang tumpok na tae na natapakan. Bakit may tae nang kalabaw sa Edsa? Bakit may asong sa pilapil pa dyumebs?
No comments:
Post a Comment