Tama yung isang rebyu na nabasa ko--sa titulo pa lang, matapang na ang RPG: Metanoia. Imadyinin mo, isang anak na nagyaya...
"Tay, nood tayong RPG: Metanoia."
"Anong RPG Metanoia?"
"Yung, ano, tay..."
"ano ba yan anak bagong brand nang vetsin?"
Pero hindi, hindi ito vetsin, isa itong metikulosong tinapos na pelikula. Mahusay at kailangang tangkilikin.
Hindi pa pulido ang ibang eksenang animation, pati yung tyempo ng dubbing sa buka nang bibig nang mga karakter ay may mga mintis pa, pero pwedeng pwede na ito. Pwedeng-pwede na isabak sa mga festival, lalung-lalo na sa katarantaduhang mmff. Itong RPG Metanoia ang nanalo dapat na best picture. Saan ka pa makakakita nang pelikulang pinoy na kung saan ang bawat frame ay pinag-aralan at pinaghandaan. Nilagyan nang detalye nang dyip dito, nilagyan nang lata, nilagyan nang aso, karakter na binarungan at binigyan nang payong na tumitira. Langya, tinalo ito nang isang pelikulang may bidang malaking baba? Yun lang yun?
Ang RPG Metanoia ay tungkol sa isang batang nalulong na sa computer role-playing game. Pinapakita nito kung paano na nakakalimutan nang henerasyon ngayon ang tumbang preso, patintero, at ang ibang pang larong pinag-aaralan sa Philippine Games sa Peyups. (Aaaah Philippines Games, ang kinukuha nang estudyante kapag naubusan nang slot sa PE). Sa Amerika, pinagtatalunan na na hindi na nga nagkakaroon nang ehersisyo ang mga kabataan, nagtatabaan na lamang lahat sila dahil wala na nang mga pisikal na aktibidades. Nalulong sa sa facebook, youtube, ang mga bata. Totoo namang kayang ubusin ang bawat araw sa harap nang kompyuter nang mga bata ngayon. Paano nga naman susubukang ibalik ang mga larong ganito, lalo sa atin dahil ang mga kalye ay pinaparadahan na nang mga sasakyan na kakarag-karag? Pati ang mga sira at bulok na na di naman tumatakbo ay ayaw pang alisin sa harap nang bahay. May cover pa man din ang ilan.
Atsaka pano naman kaming mga alipin nang cubicle at miting room, puros mga daliri na lamang ang naaeensayo sa katatayp sa keyboard. Puros hintuturo ang nadidiin sa keyboard nang walang malaking kabawasan sa calorie. Aba, tama nga ang naisip ko na talagang dapat pag-itingin ang cross-posting. Ang mga nakakurbata sa main office headquarters-eklat ay dapat minsang pakawalan sa linya nang factory at gawing operator! O kaya ibalibag sa warehouse at hayaan magbanat nang buto sa pagbubuhat nang mga epektus at kontrabando.
Panoorin ang RPG Metanoia. Tangkilikin ang mga dapat tangkilikin na pelikulang pinoy. Hindi ang mga pitu-pito nang Star Cinema.(Maigi nga't nalulugi ang mga pelikula ni KC na walang kwenta).
Mabuhay ang grupong nagsikap bumuo nang RPG Metanoia.
No comments:
Post a Comment