Tuesday, February 23, 2010

Buhay Gym


Tumatagaktak na mga pawis, namimintog na mga masel, pinipilit itulak ang mga mabibigat na bakal. Bumibilang, humihingal, gumigiya, umiiri, maya-maya’y ipapahinga ang mga napapagal na katawan. Bagsak pati ang manipis masel sa pisngi… pero ang lahat nang paghihirap na ito ang syang ikasasarap ng pagpahinga. Parang heben ang salampak sa kama pagkatapos ng matinding ehersisyo. Ang kaaya-ayang idlip ang maghahalina. Ito ang intro sa buhay gym.

Sa loob ng gymnasium, ang mga adik na labas-labas na ang ugat sa biceps ay alam na ang kanilang mga titirahin na ehersisyo. Ang mga bagito naman ay may tinitignang nakalista na mga routine sa isang coupon bond. Bilang at tiyak ang ang mga galaw sa ehersisyo, ang bigat ng mga bubuhatin, at kung ilang ulit gagawin.

Sa tatlong buwan kong pagpasok nang gym, kalian ko lamang nakuha ang programang inilinya ng fitness instructor. Nuong isang araw, kumain lamang ako nang isang hopya, at pinilit kong tapusin ang nakalinyang mga ehersisyong ito.

Ang huling tatlong ehersisyo ay: 1) ang pagbitin sa isang parang platform, tapos pagtataas ng buong paa at binti nang diretso, paakyat sa baywang, 2) isang parang situp sa isang machine na may pabigat, at 3) paghila nang lubid nang may pabigat pa rin para sa tricep. Nagising at nagulantang ang aking katawan sa tatlong ito. Marahil noon lamang nadali ang mga natutulog na parte nang aking katawan. Parang nagitla ang mga masel dto mula sa kanilang mahabang pagkakalugmok.

Sa bandang huli, nanginginig ako habang binubuksan ang locker, parang naubusan nang gasolina.Parang gutom, nanghihina, at hindi nakakain nang tatlong araw. Kalam at nginig ng sikmura at masel ang nararamdaman, umiinog, at tremulong kumakalat sa buong katawan hanggang sa dulo nang daliri.Halos hindi ko mapihit ang di ikot na kandado nang locker . Ang pihitan ng Master lock ay nabibitiwan. Kinailangang dalawang kamayin, para lamang mailabas ang bag, makaalis, at makauwi na.

Huwag gagayahin! Kumain muna nang disenteng almusal, tanghalian, o hapunan mga dalawang oras bago mag-gym. 

No comments: