Inilantad nang librong White Tiger ni Aravind Adiga ang sari-saring nakakatuwa, nakakarimarim, nakakaaliw, nakakaawa, nakaka-nganga ng bibig, na paraan nang panlalamang, korupsyon, pagpapahirap, pangmamata, paniniiil, at pang-aalipin… mga sistemang bulok sa modernong India.
Halimbawa, ayon sa White Tiger, ang eskwelahan daw sa probinsya ay lupa pa ang sahig. At ang titser ay hindi nagtuturo. Ang alam lamang niya ay manghampas nang yantok sa puwit nang mga bata, at ang matulog maya’t-maya, at dumura sa dingding ng paaralan kapag nagigising. Hindi nakakarating ang mga libreng unipormeng nilaan ng gubyerno para sa mga estudyante, dahil pinitik na ang pondo para rito ng titser..
Meron ding kwento tungkol sa isang ospital na walang duktor, pero sa listahan ng attendance ay parating may duktor, kumpleto pati nars. Kasi ang logbook nang attendance ay nasa munusipyo, minamarkahan na lang duon ang logbook, nagkukuntsabahan, at naglilistahan nang attendance at parte ng kurakot ang mga ulupong. Sumusweldo ang doctor sa trabaho nya sa pampublikong ospital, pero pwede pa rin syang sumideline sa pribadong mga hospital. Duling na duling--doble ang kita, ‘ika nga,.
Naaaliw nang husto marahil ang mga taga-kanluran sa pagbabasa ng mga ganitong anekdota. Novelty ang mga kwentong ito sa kanila, kaya pumatok ang libro. Tingin ko nga’y inilista muna nang awtor ang kung anu-anong sistema nang panggagantso na nalalaman nya nang personal at isiniksik sa isang matinding librong ito. Mahusay na naihabi ang dramas sa buhay ng bida palibot sa mga ito.
[Isang drayber ang bida na rumangya ang buhay mula sa pagkakalugmok sa pinakailalim na sistema ng korupsyon sa probinsya. Sa istruktura nang nobela kunwa’y sinusulat nya ang kwento nang buhay para ilahad sa Prime Minister ng Tsina na kasalukuyang bumibisita sa India].
Maeengganyo rin naman ang sinumang pinoy na magbabasa ng White Tiger, dahil malalaman nya na mayroon din tayo nang panraraket na tulad nang mga iniksplika sa libro. May mga matitindi rin, at may mga maliliit na makakapagpangiti sabay makakapagpailing na lamang sa ating bansa.
Halimbawa, kapag napadaan sa Julia Vargas, patulak nang Megamol, mapapansin mo na sa huling bloke bago mag-megamol mismo, magiging one way ang mismong Julia Vargas. Pag napadaan ka nang gabi rito, mamamataan mo na di nawawalan ng traffic enforcer sa mismong gitna bago maging one way ang dalawang kalsada na hinahati nang island. Pinakamababa ang tatlong magagaling na enforcers ang nakatayo, hindi nagtatrapik, hindi nagsesenyas, basta nakatayo lamang at nag-aabang. Kasi, pag natyempo ka sa pinakalabas na lane nang kalsada, at di ka lumiko sa biglang nag-one way na kabilang kalye, tiklo ka. Kikil at tatakutin ka nang inconvenience eklat sa pagtubos nang tiket. Ituturo sayo ang isang sign na di mo napansin dahil gabi. Dabest na raket. Ito marahil ang real source of income nila gabi-gabi.
Syangapala sa dulo ng WhiteTiger (dapat kunin mo ang cover ay tulad nang nasa picture sa itaas) ay meron pang reading guide. Parang eksamin ito para mas malasap pa ang mga dapat matutunan sa libro. Parang Noli at Fili. Anggaling,
Pero nabanggit na rin lang ang Noli, parang White Tiger nga rin pala itong nobelang ni Rizal sa isang banda. Nakaispat nga lamang sa mga prayle, kaya malamang boring na siya ngayon sa kabataan. Oras na siguro para gumawa tayo nang pang-kontemporaryong lipunan. Yung mga payola system eklat na naglipana sa lahat nang ahensya nang gubyerno. Ultimong mmda enforcer e pag nakadama nang konting kapangyarihan, e talaga namang pang-iiskor ang mga nasa isip. Kayang-kaya isulat yan ni Norman Wilwayco.
No comments:
Post a Comment