Dec 6, AM
“Inisyal” na monito monita (oo, may pinal na sesyon pa ng exchange gifting nekswik!), bukasan nang regalo. Ang nakuha ko ay isang tumataginting na keychain. Langya, worth 300 pesos na ba ito? Ang pinakawalang kwentang posibleng iregalo nang sinumang nag-abroad ay keychain (maigi pa ang ref. magnet). Malamang ang nagregalo nito sa akin ay natanggap lang din ang keychain sa isang kagagaling sa Beijing, nakita nyang wala syang pagagagamitan, kaya ipinasa na lang sa akin nang hudas. At siguro idinagdag sa konsiderasyon na sa Beijing lang ito nabibili, kaya maghahalagang 300 pesos na rin, ayon sa madugas na monito ko. Hindi lang ako malas sa rapol, pati sa exchange gift, wala ring bisa!
Dec 6, PM
Nag-announce nang theme sa corporate christmas party para sa biyernes. May costume-costume pa raw. Glam rock, glam rock daw. Tangina, anong glam-glam? David Bowie? Syet, mag-a-eyeliner ako? Tanginang yan. Mahalungkat na lang ang lumang Club Dredd t-shirt ko. Purong rakenrol na lang, wala nang glam-glam eklat na yan.
Dec 7, AM
Bumabanat na naman ang ka-cubicle ko na parating napakalakas makipag-usap telepano. Ang akala nya siguro nakakalakas nang signal kapag parang megaphone sa tindi magsalita patutok sa receiver ng landline. Nalalaman tuloy ang buong pinag-uusapan hanggang sa kabilang ibayo nang opis. “Merry Christmas, pamasko ko,” palahaw ng kumag. Pati dayalog ay nakakaasar sa sobrang luma. “Eto, busying-busy pa,” sabi nya mayamaya. Ulul, puros facebook lang ang inaatupag mo kanina. Gusto ko sanang sabihin: “pare, hindi ka ba napapagod magpanggap at magsinungaling? Hindi ka ba nakakapreno minsan, habang nasa gitna ka nang pagsisinungaling, at mag-isip…’teka, parang di naman ako makikinabang sa pagsisinungaling kong ito ah. Sabihin ko na lang kaya ang totoo?’”
Dec 7, PM
Merong may birthday at nag-ambag-ambag para makabili ng cake. Nang kainan na. napakatamis nang caramel sa ibabaw ng cake. Sobrang tamis! Parang sinuperconcentrate na asukal. Parang maski langgam ay maaooverdose. Pano na kaya ang QA tester neto na tumitikim sa huli nang pagawaan? Dilat na dilat na siguro maghapon magdamag dahil sa bloke-blokeng asukal na nalalaklak.
Dec8, AM
Sinusuri ang keychain, Naging pambukas man lang sana ito ng tansan, may pakinabang pa. Sinubukan kong ikabit ang susi nang oto, pero ang walang pakinabang na keychain ay bumubukol lang sa likod nang pantalon, at nasasaktan lang ang kanang pisngi nang pwet ko pag umuupo. Nilagay ko muna sa harap na bulsa.
Dec 8, PM
Habang umiihi, napagtanto ko na ang walang kwentang keychain ay nagpapaalala lang sa akin na malas ako sa rapol. Baka malasin pa rin ako sa biyernes. Tapos, parang nagmumukhang bukol nang kung ano lang ito sa harap na bulsa. Tinanggal ko ang susi na nakakabit, at itinapon ang keychain sa basurahan. Makita sana ito nang monito ko, swertehin sana ako sa rapol sa biyernes.
Dec 9. Lunch Break
Umidlip sa cubicle, mahimbing na sana ang re-charging, pero binangungot ako. Nagpepresent daw ako sa Execom pero pinahiya ako bigla nang isang regional head. Galit akong umalis nang meeting, lumabas nang conference room, pero parang bintana pala ang nalabasan ko. Bumabagsak ako mula sa 32nd floor nang magising. Pano kaya pag namatay ako sa cubicle? Anong oras kaya ako madidiskubreng dedbol na?
Dec 9, PM
Lumabas saglit para kumain ng halo-halo at nang lumamig naman ang ulo maski konti. Sinubukan ang halo-halo sa RSM Kainan. Tanginang yelo, sinlalaki nang graba. At napakatamis na naman! Nasa isip siguro nang tindera: babawiin nang kakulangan nang sarap nang kanyang halo-halo ang paglagay nang sangkatutak na asukal. Mali! Dapat sa macapuno o sa sabaw ng saging manggaling ang tamis! Isinabog ko ang ilang nanikit na mga grabang yelo sa table cloth at iniwan ang halos puno pang baso ng halo-halo.
Dec 10, AM
Habang umiihi, biglang pumasok sa isip ko na sa buong buhay, wala pa akong naiuuwi sa bahay na kahit anong bentilador, alak, o kahit anong maski consolation prize sa mga krismas party.
Dec 10, PM
Nagpaeyeliner ako at nagpa-make-up nang ala-KISS, desperadong makauwi nang premyo. Pero wala pa ring nakamit na best costume o ano. Wala ring napanalunan sa rapol. Maski plantsa, oven toaster, o payong, wala, wala, wala.